Kabanalan
Sa Pilipinas, malakas ang hatak ng relihiyon at kultura sa pagtingin natin sa pag-ibig at ating mga relasyon. Madalas, pinaghahalo natin ang mga paniniwala sa relihiyong Katoliko at sarili nating tradisyon.
Paalala: Ito ay pagbabahagi lamang kung ano ang kinalaman ng ating mga paniniwala at kultura sa ating pananaw sa pag-ibig. Personal talaga ito at okay lang ang magtanong. Kumausap ng taong pinagkakatiwalaan kung mayroon kang gustong mas maintindihan. Mahalaga sa iyong journey ang sariling paniniwala at pinapahalagahan.
Ating Tradisyonal na Values
Bilang isa sa mga may pinakamaraming Katoliko sa buong mundo, marami sa ating mga Pilipino ang relihiyoso at malalim sa paniniwala ang tradisyon, lalo na sa mga relasyon natin. Marami sa atin ang lumaki sa ganitong mga pagtuturo kaya apektado parin nito kung gaano tayo mag-isip at kumilos hanggang ngayon.
Hiya
Madalas, kapag naririnig natin ang “hiya,” iniisip natin ay pagiging nerbyoso o takot mapahiya. Pero nakikita rin ito bilang pagkamahinhin at may respeto sa sarili. Kung pag-iisipan ito kaugnay ng tradisyon, konektado ang hiya sa kadalisayan o “purity.”
Kadalisayan
Nakakatulong ang malinis o dalisay na puso’t isip sa pagdedesisyon nang tama at may kabaitan, pati na rin sa pamumuhay nang tapat at may integridad.
Chastity
Ito ay pagiging malinis sa ating mga gawain, isip, at intensyong sekswal. Kaugnay nito ang konsepto ng kalinisang puri, o ang paniniwala na ang tunay na pag-ibig ay naghihintay. Itinuturo nito na ang paghintay sa tamang tao’t panahon ay isa sa malalim na paraan na pagpakita at pagdanas ng pag-ibig.
Ang Halaga ng Maayos na Panliligaw
Habang tumatagal, nagbabago ang lipunan at mga nakakasanayan, pati na rin kung paano natin kilalanin ang tao at maranasan ang romansa. Pero may ilang bagay na talagang nananatili pa rin.
Tradisyonal na Panliligaw
Noong araw, malaking bagay ang pagiging pormal at magalang sa proseso ng panliligaw. Bukod sa patunayan ng manliligaw ang pag-ibig niya sa babae, kailangan din niyang ipakita ang kanyang pagmamahal at debosyon sa pamilya nito. Ilan sa mga gawain noon ay:
Harana
Pag-awit sa babae, karaniwan sa labas ng bintana nila.
Umakyat ng Ligaw
Pagbisita sa bahay ng babae at pagdala ng mga regalo para sa kanya at sa kanyang pamilya.
Pamamanhikan
Pormal na pagbisita sa magulang ng babae upang humingi ng pahintulot na pakasalan siya at humingi ng kanilang basbas.
Makabagong Panliligaw
Sa panahon ngayon, dahil sa internet, nahaluan na ng modernong kultura ang panliligaw ng mga Pilipino. Maaari nang makipagkilala at makipag-usap ang mga tao sa pamamagitan ng iba’t-ibang apps at social media. Gayunpaman, marami sa mga pinapahalagahan noon ay nananatili pa rin. Kadalasan ay sentro pa rin ang pamilya, at itinuturing malaking hakbang sa relasyon ang maging “legal” sa magulang, o ang pagkuha ng pagpayag ng mga ito. Gayundin, madalas pa rin na ang lalaki ay nangunguna o nagpapasimula ng panliligaw.
Ang Sagradong Ugnayan ng Kasal
Ang kasal ay hindi lamang kasunduan o kontrata. Ito ay isang habambuhay na pangako sa harap ng Diyos na may gabay ng pamilya at pananampalataya.
Sa ugnayang ito, ang pagtalik ay hindi basta lamang pisikal na gawain. Ito’y isang banal na pahayag ng pag-ibig, pagkakaisa, at intensyong bumuo ng pamilya. Sa ganitong pag-iisip, madalas di-inaanyayahan ang premarital sex dahil sa epekto nito sa kinabukasan ng tao, karangalan ng pamilya nito, at kanyang damdamin.
Katapatan
Bukod sa hindi pakikipagrelasyon sa ibang tao, ang pagiging tapat ay ang pagtuon ng buong puso sa iyong asawa sa lahat ng aspeto, maging emosyonal, mental o ispiritwal. Sa madaling salita, ito ay ang matatag na pagsama sa hirap at ginhawa.
Solidaridad de familia
Pamilya ay sentro ng buhay ng maraming Pilipino. Bukod pa sa magulang at kapatid, maaaring kabilang nito ay mga malalapit ng kamag-anak at kaibigan. Sa ganitong pagturing sa pamilya, ang pagpapakasal ay hindi lamang ugnayan ng dalawang tao; ito ay pagsasama ng dalawang pamilya.
Sanggunian
https://factsanddetails.com/southeast-asia/Philippines/sub5_6c/entry-3867.html
https://www.crfv-cpu.org/resources/the-power-of-purity
https://www.christianity.com/wiki/christian-terms/what-is-chastity-meaning-and-importance.html
https://docmckee.com/travel/the-ins-and-outs-of-dating-in-the-philippines-a-beginners-guide/
https://barongworld.com/blogs/news/the-rich-tapestry-of-philippine-marriage-culture-traditions-values-and-evolution
https://cpcabrisbane.org/CPCA/IWSSForum.htm